top of page

LITERARY

Words: Joven Parameo

Marami ang nagtatanong, bakit nga raw ba ako pumasok sa mundong alam kong masasaktan lamang ako? Sa mundong ang nakaabang ay ang sakit ng katawan. Sa mundong halos ubusin ang iyong lakas sa maghapon at magdamag. Bakit nga ba ako nandito sa mundong ito? Bakit nga ba mas pinili ko ang masaktan at lumaban?

 

Hindi ba mahirap? Hindi ba nakakasawa? Kaya mo pa ba? Ang paulit-ulit kong naririnig sa karamihan. Minsan napaisip ako, tama nga ba ang mundong pinasukan ko? Bakit nga ba hanggang ngayon ay nandito pa rin ako? Sa kabila ng maraming tanong isa lang ang alam akong sagot. Nandito ako dahil gusto ko. Nandito ako dahil sa pananalig ko na kaya ko. Nagtagal ako sa mundong ito dahil sa mga taong nagturo sa akin makipaglaban kahit na alam mo sa sarili mo na hindi mo kaya. Makipaglaban sa iba't ibang uri ng tao na ang puhunan ay lakas at tibay ng kalooban. Lakas na huhubugin ang iyong sarili, kakayahan at tibay ng loob na siyang gagabay sa iyo para lumaban kahit mahirap na.

 

Ganyan ang buhay ko…Ang buhay niya…Ang buhay namin… Ganyan kaming mga Cheerleader.  Bagama’t mahirap, kailan man ay di nagawang sumuko. Na sa bawat hamon nakakumbi ang determinasyon namin para makamit ang iisang mithiin. Isang mithiin na magtutuyo sa lahat ng pawis at luha na ibinuhos namin. Mga pawis na bunga ng pagtiya-tiyaga at pagsasakripisyo. Mga luhang resulta ng mga sakit at paghihirap na natatamasa ng bawat isa sa amin.

 

Oo, sa una masaya. Sa una mararanasan mo kung gaano kasaya maging isang katulad namin. Kung paano kami ngumiti at tumawa na tila ba'y wala ng bukas masasaksihan mo sa unang araw.  Mga kulitang walang patid sa pagpawi ng mga kalungkutan. Kalungkutang unti-unting mapapalitan ng saya at pagmamahal. Pagmamahal na hindi matutumbasan ng kahit ano man.

 

Ngunit sadyang ang buhay ay hindi puro saya. Darating sa punto na ang aming mga ngiti ay unti unting mapapalitan ng pighati at pagdurusa. Pighating wawasak sa mga masasayang pangyayari na sama-sama naming binuo sa loob ng mundong ito. Pagdurusang magsasabi sayo na mga katagang "Tama na, sumuko kana. Masakit 'di ba? Huwag ka ng lumaban. Hindi mo naman kaya."

Mga katagang lalamon sa iyong kaisipan upang maging dahilan ng iyong paglisan. Paglisan na sa huli ay iyong pagsisisihan. Desisyong mapanira! Isang desisyong makakasira sa mundong binuo niyo kasama ng mga taong nagpatibay sa iyo. 

 

Sa aking pamamahinga naaalala ko ang tinuring kong pamilya. Mga taong nagpatibay sa aking paninindigan. Sa huling pagkakataon pinikit ko ang aking mga mata at napabuntong hininga, imbis na ako'y magpalamon sa salitang pagsuko ay determinado ako na lumaban.  Ako ay babangon. At patuloy paring lalaban. Lalaban para sa sarili. Lalaban para sa aking pamilya.  Mga kasamahan sa  pag indak sa tugtog ng buhay na siyang nagpakita ng tatag at tapang ng loob. Ako ay handa muling lumaban para sa pamilya. Pamilyang nagpakita at nagparamdam ng mga bagay na totoo. Pamilyang nabuo at patuloy na lumalago, at kailan man ay di maglalaho

 

Sa huli muling bumalik sa aking kaisipan ang mga katagang "Tama na, sumuko kana." Masakit diba? Huwag ka ng lumaban. Hindi mo na kaya." Mga katagang naging inspirasyon ko upang muling bumangon at ang pagsuko'y patuloy na labanan. Bumangon sa iyong sariling pagkalugmok. Labanan mo ang mga salitang sumasakop sa iyo. "Kaya ko ito. Gagawin ko ito para sa sarili ko at para sa mga taong naniniwalang kaya ko."

At iyong mapagtatanto na hindi naman pala sagot ang pagsuko sa oras ng pagkapagod. Ang mga sakit at pagdurusa, ay mapapalitan na lamang ng kaginhawaan. Sarap na iyong madarama dulot ng kapaguran. Pagod na sa dulo ay may kapalit na TAGUMPAY!!!

​

​

bottom of page