top of page

LITERARY

Words: Emie Marielle Marcelo

Paborito kong bumili ng damit noon pa man

Sabi nila magaling akong magdala ng kasuotan 

Hindi iyon maigigiit ninoman,

Nadadagdagan raw nito ang aking karikitan.

 

Pustura ako mula ulo hanggang paa

Laging may kolorete ang mukha

Sabay sa uso mula noong bata

Lahat ng tao'y hindi ito maikakaila 

 

Tampulan noon pa man ng mga sitsit 

Mga sipol sa kalsada't mga iskinitang maliit

Sabi ng karamihan dahil raw ito sa aking pananamit 

Minsan raw kase suot ko'y maikli't tila nang-aakit

 

Baguhin ko raw ang aking ang kasuotan

Baka isang araw daw ako'y makursunadahan sa daan

Pagnapahamak raw ito'y akin ring kasalanan 

Pagkat sa lalaki'y natural lang ang maakit sa katawan

 

 Tanong ko sa isipan

 Bakit babae ang laging sinsisi't may kakulangan

 Kapag ang lalaki'y hayok sa laman

 Samin pa rin ba ang kasalanan?

 

 Isang patunay ang ibabahagi ko

 Patunay na wala kang dapat baguhin sa pananamit mo

 Ang mga isipan nila ang kailangan magbago

 Iyan ang paniniwala ko

 

 Isang gabi sa iskinita malapit sa aming bahay

 May nadaanan ako mga umiinom at tumatagay,

 Hindi pa noon malalim ang gabi

 Marami pang tao sa tabi-tabi 

 

Marahan akong naglalakad 

Ngunit may bigla sa aking bumungad

Isang lalaking lasing at langong-lango sa alak

Ang kamay ko ay bigla nyang hinatak

 

 Kanina nya pa pala ako sinusundan

 Isa pala sya sa mga lasing na aking nadaanan

 Sinakto nyang sa madilim ako lapitan

 Upang 'di makahingi ng saklolo't mahirapang lumaban

 

Walang awa na niyurakan ang aking pagkatao

Hindi nya ako tinigilan kahit nagmamakaawa na ako

Hinalay nya at pinukpok ng bato sa aking ulo 

Sinilid pa nya ang aking katawan sa isang sako

 

Mahaba noon ang aking blusa

Pantalon ang suot ko mula pa noong umaga 

Ang suot ko'y hindi maikli at hindi rin hapit

Pero bakit ganoon ang aking sinapit?

​

​

bottom of page