top of page

LITERARY

Words: Khryzztine Joy S. Baylon

Kung ika’y nakakaranas ng matinding sigalot o dili kaya’y isang pangyayaring nakakagimbal o nakakagulantang sa iyong isipan, may kadahilanan pa bang maging isang pangkaraniwang kuko na lamang ang iyong liwanag?

 

Tunay ngang napakaraming pagsubok ang binabato sa atin ng tadhana mga kalamidad na sunod sunod nating nararanasan. Lindol, bagyo, pagputok ng bulkan at iba pa. Epidemyang binabalot ng takot ang karamihan, sa kalabang halos hindi natin makita. At lahat ng ito ay nagwawakas sa kamatayan, maraming binabawian ng buhay ng hindi inaasahan. Nakakalungkot isipin na ang lahat ng ito ay hindi natin napaghahandaan.

 

Ilan taon na ang nakakalipas ng tamaan ang kabisayaan ng bagyong Yolanda na siyang nagpagulantang sa marami nating kababayan. At ngayong taon muling nag-iwan ng bakas sa kasaysayan ang bagyong Rolly at Ulysses ng puruin nitong bayuin ang maraming bayan dito sa ating bansa. Hiyawan sa paghingi ng tulong upang masagip, iyakan dahil halos nilamon ng putik ang kanilang mga kagamitan at hanapbuhay. At ang karamihan sa kanila ay hindi lubos maisip na nawalan sila ng masisilungan. 


 

Minsan napapaisip ako. Paano kaya kung sa akin nangyari iyon? Saan ako sisilong? Iiyak rin kaya ako o uupo na lang sa isang sulok at hintaying may mangyaring milagro? Na sana’y sa pag-gising ko, para na lamang akong naglalakad sa isang nakatatawag pansing hardin, punong-puno ng mahahalimuyak at katangi-tanging bulaklak, mataas at mapang-akit na talon, makaramdam ng kakaiba na parang walang malaking problemang kinakaharap.

 

Maswerte ako at hindi ako isa sa kanila. Hindi nakaranas ng matinding pighati, Malaya, may pagkain akong madadatnan sa hapag kainan, at nakakapag aral. Sadya nga bang ang mundo natin ay punong-puno ng kalungkutan sapagkat ito’y puro paghihirap lamang? Bakit may mga pasakit at oras ng pagkabigo?

 

At pagkatapos ng isang araw, tayo’y mapapaupo na lamang sa lungkot  habang sinasambit ang katagang “Tama na! Sobra na! Suko na ako!”

Sa kabila ng lahat ng ito, darating ang pagkakataon na ating mapagtatanto ang totoong kahulugan ng buhay. Maraming mga dagok at problema ang kailangan nating mapagdaanan. Upang lalo tayong tumibay at maging malakas. Ang kailangan lamang nating gawin ay huwag sumuko bagkus kumapit sa kamay ng laging nakaalalay, ang mapagmahal na Ama, tayo ay gagawin niyang matatag sa kabila ng lahat ng ating pinag-dadaanan. Manalig ka lamang at iyong masisilayan ang liwanag na ating hinahangad, hindi lang sa kuko ng liwanag. 

bottom of page